
Kinumpirma ni Defense Secretary Gilberto Teodoro na gumagamit ang People’s Liberation Army ng China ng trolls para makapang-impluwensya at makapagpakalat ng kanilang propaganda.
Ito ang sinabi ng Kalihim sa gitna ng pagdinig sa DND budget sa 2027, kung saan ipinarating ni Finance Committee Chairman JV Ejercito ang pagkabahala kaugnay sa posibleng propaganda ng mga dayuhan para pag-awayin at hatiin ang mga Pilipino.
Ang naturang concern ng mambabatas ay nag-ugat matapos umani ng napakaraming komento ang kanyang post sa social media kung saan sinagot niya si Chinese Ambassador Jing Quan sa salitang Mandarin.
Makikita rin aniya na may ilang mga Pilipino na kumakampi at ipinagtatanggol pa ang ambassador.
Ayon kay Teodoro, mayroon talagang mga aktibidad na propaganda na ang layunin ay hatiin ang bansa at ito ay bahagi ng United Front Work na isa sa mga haligi ng Communist Party ng China.
Nagbabala naman si Teodoro na kapag hindi tayo nanindigan laban sa naratibo ng China ay magiging normal na lang ito at posibleng sabihin na tinanggap na natin dahil hindi man lang tayo kumibo para ilaban ang ating karapatan.










