
Hinimok ng Malacañang si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na sumuko na upang maiwasan ang posibleng madugong komprontasyon sa mga awtoridad.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, dapat harapin ni Dela Rosa ang arrest warrant na inilabas laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).
Ito’y matapos ibunyag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nasa Mindanao ang senador at nasa pangangalaga ng isang grupong nakikipagnegosasyon sa mga awtoridad para sa kanyang pagsuko.
Paliwanag ni Remulla, hindi basta maaaring arestuhin si Dela Rosa dahil posibleng mauwi ito sa marahas na komprontasyon.
Nanawagan din si Castro sa mga kumakanlong sa senador na huwag hadlangan ang pagpapatupad ng batas at hayaan siyang harapin ang mga kasong kinakaharap niya.
Ang arrest warrant laban kay Dela Rosa ay kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakadetine sa The Hague, Netherlands, habang hinaharap ang kasong crimes against humanity sa ICC.










