Wednesday, July 15, 2026

𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗛𝗔𝗬 𝗦𝗔 𝗕𝗥𝗚𝗬. 𝗠𝗔𝗥𝗔𝗕𝗨𝗟𝗜𝗚 𝟮, 𝗛𝗜𝗡𝗗𝗜 𝗡𝗔𝗞𝗔𝗟𝗜𝗚𝗧𝗔𝗦 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗡𝗔𝗡𝗔𝗟𝗔𝗦𝗔 𝗡𝗚 𝗕𝗨𝗛𝗔𝗪𝗜

Cauayan City – Natanggal ang bubong ng isang bahay sa Brgy. Marabulig 2, Cauayan City, Isabela matapos ang pananalasa ng isang buhawi kahapon, ika-13 ng Hunyo.

Sa eksklusibong panayam ng IFM Newsteam kay Ginoong Ariel Peralta, isa sa personal na nakasaksi sa nangyaring buhawi, nagsimula umanong mabuo ang buhawi sa palayan bago manalasa sa mga kabahayan.

Sa kabila ng lakas ng hangin, maswerteng hindi napinsala ang unang bahay na dinaanan nito. Gayunpaman, hindi nakaligtas sa pananalasa ng buhawi ang ikalawang bahay na nadaanan nito.

Dahil sa lakas ng hangin at ulang dala ng buhawi, natanggal at natangay ang bubong ng ikalawang bahay dahilan upang magulo at mabasa ang mga gamit na nasa loob nito.

Kabilang sa mga napinsala ng nabanggit na buhawi ang mahahalagang dokumento ng pamilya.

Sa panayam ng IFM News Team kay ginoong Elmer Cañaveral na siyang may-ari ng nabanggit na bahay, sinabi nitong wala siya sa kanilang tahanan noong mangyari ang insidente. Nalaman na lamang nito ang kinahinatnan ng kanilang tahanan matapos umano itong itawag sa kanya ng kanyang kapitbahay.

Sa kabutihang palad, hindi naman nasaktan ang 17-anyos na anak nito na siya noong naiwan sa kanilang tahanan.

Dahil sa nangyaring insidente, nananawagan ngayon si Ginoong Canaveral sa mga nagnanais na tumulong sa kanila upang may magamit sa pagbangon matapos ang nangyaring sakuna.

Facebook Comments