
Cauayan City – Bangkay na nang matagpuan ang katawan ng isang 14-anyos na dalagita sa loob ng comfort room ng Information Center Tourism Building sa Barangay Capisaan, Kasibu, Nueva Vizcaya, hapon noong ika-13 ng Hunyo.
Ayon sa ulat ng pulisya, natagpuan ang biktima na nakahandusay sa sahig, may sugat at dugo sa katawan, may nylon belt sa leeg, at wala nang pang-ibabang kasuotan.
Una rito, umaga pa lamang noong nabanggit na araw ay hinahanap na ang biktima ng kanyang kapatid na babae. Sa kanyang paghahanap, napadpad ito sa nabanggit na gusali na walang bantay at dito niya Nakita ang sapatos ng kanyang kapatid.
Dahil dito, sinubukan nitong pumasok sa audio visual room ng nabanggit na gusali subalit hinarangan siya ng kanyang 17-anyos na pinsang lalaki na noon ay nasa loob ng AVR atsaka nito ni-lock ang pinto.
Bandang hapon sa parehong araw, muli namang bumalik ang kapatid ng biktima sa lugar kasama ang ina nito at dito na natagpuan ng walang buhay na katawan ng dalagita.
Batay sa paunang pagsusuri ng doktor, ang sanhi ng pagkamatay ng biktima ay asphyxia by strangulation o pagkakasakal.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang Kasibu Police Station upang hanapin ang 17-anyos na lalaki na itinuturing na Child in Conflict with the Law (CICL) at itinuturing na pangunahing person of interest sa kaso. Sa tulong ng kanyang ama, natunton ang menor de edad sa bahay ng kanyang lolo sa Barangay Dine matapos itong tumakas.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Kasibu PNP ang suspek kasama ang kanyang mga magulang at kinatawan ng Municipal Social Welfare and Development Office habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente.










