Pormal nang inalis ng lokal na pamahalaan ng Sison, Pangasinan ang pansamantalang total ban sa pagpasok ng mga buhay na baboy mula sa mga karatig-lungsod at munisipalidad sa labas ng bayan.
Sa bisa ng Executive Order No. 11-43, Series of 2026, na nilagdaan ni Mayor Alma M. Lomibao nitong Nobyembre 27, 2026, epektibo na agad ang pagtanggal sa nasabing pagbabawal.
Ayon sa kautusan, isinagawa ang hakbang kasunod ng pagsusuri sa kasalukuyang kalagayan ng kalusugan ng mga hayop at rekomendasyon ng Municipal Agriculture Office na payagan na ang reguladong pagpasok ng mga baboy sa bayan.
Matatandaang ipinatupad ang naturang ban upang maiwasan ang pagkalat ng African Swine Fever o ASF, maprotektahan ang lokal na industriya ng babuyan at mapangalagaan ang kabuhayan ng mga hog raisers sa Sison.
Gayunman, iginiit ng lokal na pamahalaan na mananatiling umiiral ang mga patakaran sa animal health, quarantine measures, veterinary requirements at biosecurity protocols.
Pinag-iingat at pinapaalalahanan din ang mga nag-aalaga, nagtitinda, nagsusuplay at nagdadala ng mga buhay na baboy na tiyaking sumusunod sa lahat ng kinakailangang dokumento at regulasyon bago magpasok ng mga alagang hayop sa nasabing bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










