Sunday, September 6, 2026

𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗟𝗜𝗡𝗘𝗠𝗔𝗡, 𝗡𝗔𝗦𝗔𝗪𝗜 𝗦𝗔 𝗨𝗠𝗔𝗡𝗢’𝗬 𝗚𝗘𝗡𝗘𝗥𝗔𝗧𝗢𝗥 𝗕𝗔𝗖𝗞𝗙𝗘𝗘𝗗 𝗛𝗔𝗕𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗚𝗦𝗔𝗦𝗔𝗚𝗔𝗪𝗔 𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗜𝗡𝗧𝗘𝗡𝗔𝗡𝗖𝗘

‎Cauayan City Patay ang isang lineman ng Cagayan Electric Cooperative 1 (CAGELCO 1) matapos makuryente habang nagsasagawa ng maintenance sa isang distribution line sa Centro 10, Tuguegarao City noong Linggo.

‎Kinilala ang biktima na si Michael Fernandez ng Solana, Cagayan. Ayon sa CAGELCO 1, naputol na umano ang suplay ng kuryente sa lugar at nagsimula na ang kanilang trabaho nang biglang muling magkaroon ng boltahe ang linya.

‎Pinaniniwalaang nagmula ang kuryente sa generator ng isang residente na nakakonekta sa parehong linya, na nagdulot ng tinatawag na generator backfeed.

Dahil dito, nakuryente si Fernandez at bumagsak mula sa bucket truck.

‎Nasugatan din ang isa niyang kasamahan matapos tangkaing saluhin ang biktima at agad na dinala sa ospital.

Samantala, kinikilala ng electric cooperatives si Fernandez bilang isang tapat at dedikadong kawani na naglaan ng panahon at lakas upang maihatid ang serbisyo ng kuryente sa mga nasasakupan.

Nagpaabot din ang CAGELCO I ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng biktima at hiniling na mabigyan sila ng lakas at kapanatagan sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi ng trahedya.

Facebook Comments