DALAWANG WANTED PERSON SA KASONG ESTAFA, ARESTADO SA NATIVIDAD, PANGASINAN

Magkasunod na naaresto ng mga operatiba ng Natividad Municipal Police Station (MPS) ang dalawang wanted person na nahaharap sa kasong estafa sa isinagawang operasyon sa Barangay Rizal, Natividad, Pangasinan noong Hulyo 6, 2026.

Unang naaresto ng mga tauhan ng Natividad MPS ang isang 57-anyos na lalaki. Sinundan ito ng pag-aresto sa isang 56-anyos na babae, kapwa residente ng naturang barangay.

Ang dalawang suspek ay inaresto sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng Municipal Circuit Trial Court (MCTC), First Judicial Region, Natividad-San Quintin, Pangasinan kaugnay ng kasong Estafa. May itinakdang piyansang nagkakahalaga ng ₱12,000 para sa bawat isa.

Bago dinala sa himpilan ng pulisya, ipinaalam sa dalawang inaresto ang dahilan ng kanilang pag-aresto at ang kanilang mga karapatan alinsunod sa batas.

Ayon kay Police Major Rowel DC Albano, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng Natividad MPS na paigtingin ang kampanya laban sa mga wanted person at tiyaking maihaharap sa hukuman ang mga indibidwal na may kinahaharap na kaso.

Patuloy namang nananawagan ang Natividad MPS sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments