
CAUAYAN CITY- Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela at ang Department of Agriculture Regional Field Office 2 (DA-RFO 2) para sa pagpapatupad ng 65 farm-to-market road (FMR) projects sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Nilagdaan ang kasunduan nina Isabela Governor Rodito T. Albano at DA Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino sa Provincial Capitol sa Lungsod ng Ilagan.
Naglaan ang Department of Agriculture ng P1.19 bilyon para sa implementasyon ng mga proyekto. Samantala, sasagutin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang counterpart funding para sa mga permit, clearances, right-of-way acquisition, paghahanda ng program of works, at iba pang kinakailangang dokumento.
Ayon sa kasunduan, ang pamahalaang panlalawigan din ang mangangasiwa sa operasyon at maintenance ng mga farm-to-market roads matapos itong makumpleto.
Nagpasalamat si Governor Albano sa patuloy na suporta ng Department of Agriculture at nagpahayag ng pag-asang agad na maisasakatuparan ang mga proyekto. Aniya, malaking tulong ang mga bagong kalsada upang mapadali ang pagdadala ng mga produktong agrikultural sa mga pamilihan, mapababa ang gastos sa transportasyon, at mapalakas ang kabuhayan ng libu-libong magsasaka sa lalawigan ng Isabela.
Inaasahang magbibigay ng mas maayos na akses sa mga sakahan ang 65 FMR projects, na magpapabilis sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa lalawigan.










