
Cauayan City – Kasunod ng mga napapaulat na insidente ng karahasan sa iba’t-ibang paaralan sa bansa, naniniwala ang pamunuan ng Buena Suerte Elementary School na maliban sa pagbabantay sa kaligtasan ng mga bata, dapat ring tutukan ang pagdidisiplina ng mga magulang sa mga mag-aaral.
Sa panayam ng IFM News Team kay Ginoong Jun Gammad, Officer-In-Charge sa Buena Suerte Elementary School, sinabi nito na isa sa binibigyang-diin nila ay ang responsibilidad ng mga magulang na manguna sa pagdidisiplina sa kani-kanilang mga anak.
Aniya, hindi lamang trabaho ng mga mga guro sa paaralan ang pagdidisiplina sa mga bata dahil dapat na tulungan sila ng mga magulang.
Sinabi ni Ginoong Gammad na dapat bantayan ng mga magulang ang ginagawa ng kanilang mga anak partikular na ang paggamit ng cellphone dahil malaking factor Ito sa pagbabago ng pag-uugali at asta ng mga bata.
Ayon kay Ginoong Gammad, maayos naman ang sitwasyon sa kanilang paaralan gayunman, mayroon pa ring mangilan-ngilang mag-aaral ang kinakailangan ng payo at pagdidisiplina.
Pakiusap ni Ginoong Gammad sa mga magulang, tulungan ang mga guro sa paggabay at pagpapabuti ng asal ng mga bata para sa maayos na kinabukasan ng mga ito.










