
Pormal nang nagtapos ang voter registration ng Commission on Elections (ComElec) ngayong Lunes ng hapon.
Kaugnay nito, marami sa mga pumila para magparehistro ang nagreklamo matapos na hindi sila umabot ng cutoff kahit tanghali pa lamang kanina.
Ayon kay Comelec Spokesperson Director John Rex Laudiangco, napilitang magpatupad ng maagang cutoff ang ilang tanggapan dahil sa dami ng mga dumagsa ngayong last day.
May ilan pa aniyang opisina na umaga pa lamang ay naabot na ang maximum number at pumalo ng hanggang dalawang libo ang pumila na doble mula sa kanilang inaasahan ngayong araw.
Dahil dito, humingi ng paumanhin ang poll body sa mga hindi nakaabot at tuluyan nang hindi na-acommodate para makapagparehistro.
Halos pitong buwan din anila ang kanilang inilaan para sa pagpaparehistro na nagsimula noong October 20, 2025 at isinasagawa mula Lunes hanggang Sabado.
Sinabi pa ni Laudiangco na magkakaroon ulit ng voter registration sa susunod na taon para naman sa 2028 National and Local Elections.
Sa pinakahuling datos hanggang nitong weekend, naitala sa halos 5.2 million na aplikasyon na kanilang naproseso na pinakamarami sa kasaysayan ng Comelec.










