Tuesday, July 21, 2026

𝗢𝗣𝗜𝗦𝗬𝗔𝗟 𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗥𝗔𝗡𝗚𝗔𝗬, 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗥𝗜𝗟 𝗦𝗔 𝗘𝗖𝗛𝗔𝗚𝗨𝗘, 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔

CAUAYAN CITY- Isang opisyal ng barangay ang nasawi matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Purok 6, Brgy. Malibago, Echague, Isabela nitong ika-17 ng Hulyo.

Kinilala ang biktima na si Lito Publico, 66-anyos, isang opisyal, at residente sa nabanggit na lugar.

Sa panayam ng IFM News Team kay Ginoong Luther Publico, kapatid ng biktima, sinabi nitong bago mangyari ang insidente ay nagkausap pa umano sila ng kaniyang kapatid. Makalipas lamang ang ilang sandali,nagulat na lamang ito nang makatanggap siya ng tawag na pinagbabaril umano ang kanyang kapatid.

Matapos malaman ang nangyari ay dali dali itong nagpunta sa resort ng kaniyang kapatid na siyang pinangyarihan ng insidente, at dito na tumambad sa kaniyang harapan ang wala ng buhay na kapatid na tadtad ng tama ng baril.

Dagdag pa niya, wala umano siyang alam na motibo o dahilan ng pamamaril sa kanyang kapatid.

Sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, nakarekober sa pinangyarihan ng insidente ang anim na basyo ng bala.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang posibleng motibo sa pagpatay.

Facebook Comments