Apektado na umano ang mga pasyente dito sa Region 1 Medical Center dahil sa matinding init na nararanasan bunsod ng El Niño.
Ramdam na ng mga pasyente ng Region 1 Medical Center ang maalinsangang panahon sa loob ng pasilidad dahil sumobra ang mga admit patients sa ospital.
Bunsod ito ng inanunsyo ng R1MC na lumagpas na sa 600 ang bed occupancy ng ospital. Dahil dito, naghahanda na rin ang pamunuan sa pagsasaayos ng pasilidad upang mapalawak ang kapasidad nito at makapagsilbi ng hanggang 1,500 bed Occupancy.
Aminado naman si Marvin C. Callanta, M.D., Officer-In-Charge at Medical Center Chief II ng R1MC, na marami nang pasyente ang nagrereklamo dahil sa siksikan at init na nararanasan sa loob ng ospital.
Dahil dito, gumagawa na ng mga hakbang ang pamunuan upang makahanap ng solusyon at mabigyan ng higit na kaginhawaan ang mga pasyenteng naka-admit sa ospital.
Samantala, humingi naman ng pang-unawa at kooperasyon si Callanta sa mga pasyente, at hiniling na magkaroon ang mga ito ng mahabang pasensya dahil hindi umano isang pribadong ospital ang R1MC na may malawak na pasilidad.
Giit naman ni Callanta, magpapatuloy silang tumanggap ng mga pasyente sa abot ng kanilang makakaya upang matugunan ang pangangailangan ng nakararami. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










