
CAUAYAN CITY- Arestado ang isang High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng kapulisan sa bayan ng Aurora, Isabela gabi ng ika-6 ng Mayo.
Kinilala ang suspek na si alyas “Sam,” 50 taong gulang, tricycle driver, at residente ng Brgy. San Juan, Aurora, Isabela at ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 o pagbebenta ng ilegal na droga at Section 11 o illegal possession of dangerous drugs ng Republic Act No. 9165, gayundin sa Republic Act No. 10591.
Batay sa ulat, isinagawa ang operasyon sa Brgy. Kalabaza, Aurora, Isabela sa pangunguna ng Aurora Municipal Police Station katuwang ang iba pang yunit ng pulisya.
Nasamsam mula sa suspek ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Ang isa ay may tinatayang bigat na 0.4 gramo na nagkakahalaga ng ₱1,500 habang ang isa naman ay may bigat na 0.3 gramo na tinatayang nasa ₱1,200 ang halaga.
Narekober din sa operasyon ang marked money na nagkakahalaga ng ₱1,500, karagdagang pera na ₱926, isang realme cellular phone, vape, isang bala ng kalibre .45, improvised firearm o “paltik,” black pouch, apat na susi na may lace, black backpack, at isang motorsiklo na may sidecar o kolong-kolong.
Agad namang minarkahan at inimbentaryo ng mga awtoridad ang mga nakumpiskang ebidensya sa harap ng suspek at mga saksi mula sa Department of Justice at barangay officials bago ito dinala sa Aurora MPS para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.










