SANGGUNIAN NG LA UNION, ININSPEKSYON ANG OVERLAPPING MARKER SA PUGO-TUBA BOUNDARY

Nagsagawa ng ocular inspection ang Sangguniang Panlalawigan Committee on Boundary Disputes sa mga pinag-aagawang hangganan sa pagitan ng Pugo, La Union at Tuba, Benguet bilang bahagi ng pagsusuri sa umiiral na cadastral records at boundary markers.

Katuwang sa inspeksyon ang Provincial Assessor’s Office at Provincial Legal Office, tinukoy ng grupo ang aktwal na lokasyon ng mga survey monument at mga umiiral na marker sa ilang bahagi ng Pugo.

Sa aktuwal na pag-iinspeksyon, natukoy ang dalawang boundary markers na itinayo mula sa panig ng Tuba na nasa loob ng inaangking teritoryo ng Pugo. Ang isa ay nasa Barangay Palina, humigit-kumulang pitong metro mula sa survey monument, habang ang ikalawa ay nasa Barangay Cares na nasa tinatayang 1.4 kilometro ang layo mula sa reference point.

Napansin din ng inspection team na may mga signage na “Welcome” sa mga barangay ng Tuba sa mga lugar na sakop ng pagdududa sa hurisdiksyon. Ayon sa ulat, may mga marker na naitayo nang walang pormal na koordinasyon sa pagitan ng dalawang lokal na pamahalaan.

Sa pagsusuri ng records, lumabas na ang ilang residente sa apektadong lugar ay patuloy na nagbabayad ng real property taxes sa Pugo, habang ilang survey plans ng mga lupa ay nakarehistro sa ilalim ng rehiyon ng Ilocos.

Ang mga nakalap na obserbasyon at dokumentasyon ay itinala bilang basehan para sa susunod na hakbang ng komite sa pagresolba ng matagal nang boundary dispute sa pagitan ng dalawang pamahalaan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments