1 patay, 1 sugatan matapos maatrasan ng truck

Dead-on-arrival sa ospital ang isang motorcycle rider matapos na maatrasan ng 14-wheeler truck na may kargang buhangin sa bahagi ng Barangay Valencia sa Quezon City kahapon.

Sa ulat ng Quezon City Police District Traffic 4, hatak-hatak ng forklifter na minamaneho ni Rolando Llanera ang Isuzu cargo truck sakay ang driver na si Ronnie Olanga Lecciones nang biglang maputol ang tow bar.

Dahil dito, dumausdos ang truck at naatrasan ang ilang sasakyan sa likuran nito kabilang na ang motorrider na si Dexter Cortez.


Pumailalim pa sa truck ang motorsiklo at nagulungan ang binti ng biktima.

Isinugod siya sa East Avenue Medical Center pero hindi na umabot nang buhay.

Sugatan din sa aksidente ang isang delivery rider matapos na tumalon sa kanyang motorsiklo.

Habang nadamay rin ang dalawang kotse at apat pang motorsiklo.

Kinasuhan na ang driver ng tow truck ng Road Crash resulting in Damage to Property with Homicide and Physical Injury.

Facebook Comments