
Kinalampag na ngayon ni Senator Chiz Escudero ang Senado na iprayoridad ang pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act o Republic Act 9344 bunsod na rin ng sunod-sunod na karahasan at krimen sa mga paaralan na kinasangkutan mismo ng mga estudyante.
Hiniling ni Escudero ang agarang pagtuon ng pansin sa pagre-review ng batas na nagtatakda sa 15 anyos bilang minimum age ng criminal responsibility.
Kailangan aniya itong iprayoridad kahit pa mabigat ang trabaho sa ngayon ng Senado dahil sa isinasagawa nilang impeachment trial at sa pila ng mga panukalang batas na kanilang minamadali.
Sa nabanggit na batas, mayroon na aniyang mga mekanismo para sa accountability o pagpapanagot at sa pagsasailalim sa rehabilitasyon sa mga menor de edad na lumabag sa batas, pero katungkulan nilang mga mambabatas na tukuyin at ayusin ang mga puwang sa implementasyon nito.
Dapat aniyang maging bukas na ang mga mambabatas sa anumang pagbabago kung hindi na tumutugon sa pangangailangan ng panahon ang nasabing batas.
Dagdag ni Escudero, ang mga karahasan sa mga paaralan ay malinaw na indikasyon na lumalalim na ang mga problema—na kinabibilangan ng safekeeping ng mga baril, seguridad ng paaralan, mental health at patuloy na exposure ng mga kabataan sa mararahas na content at e-games.










