
Nahuli ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang 13 indibidwal matapos maaktuhang iligal na naglilipat ng produktong petrolyo at LPG sa Barangay Silangang Mayao, Lucena City, Quezon, kahapon.
Sa ulat ng pulisya, nahuli ang mga nasabing mga indibidwal na naglilipat ng produktong petrolyo mula sa tanker trucks patungong IBC plastic containers at LPG na mula sa tanker na inililipat sa mga cylinder o mga tangke.
Narekober sa kanila ang mga tanker truck, delivery truck, libo-libong litro ng diesel at LPG, mga LPG cylinders, at iba pang kagamitan na nagkakahalaga ng mahigit P16.2 million.
Kaugnay nito, sa ulat pa ng pulisya ang mga nasabing nahuling indibidwal ay mga tauhan lamang at tinutukoy na ng pulisya ang pinakaleader nila.
Samantala, napag-alaman na ang lugar kung saan isinagawa ang operasyon ay nirerentahan lamang at tukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng may-ari ng nasabing lugar.
Ayon kay PRO4A Director Brigadier General Dominic L. Baccay, nanggagaling sa isang depot sa Sariaya Quezon ang mga nasabing produkto at ito ay ibinabagsak sa mga malilit na negosyante .
Kaugnay nito, ang mga naarestong indibidwal ay nahaharap sa kasong paglabag sa Oil Pilferage Law at LPG Industry Regulation Act.
Habang ang mga nakumpiska naman ay ipipresenta bilang ebidensya sa korte.










