17- ANYOS NA BINATANG NANGGAHASA NG BUNTIS, NASAMPAHAN NA NG KASO

27
Cauayan City, Isabela- Nasampahan na ng kasong Consummated Rape sa pamamagitan na regular filing ang 17 anyos na suspek na nanggahasa ng isang buntis sa bayan ng Echague, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SSgt Marizen Benabese, imbestigador ng Echague Police Station, nakasuhan na kahapon ang menor de edad na suspek na residente ng brgy. Dicaraoyan matapos itong mahuli sa isinagawang hot pursuit operation ng mga barangay officials.

Matatandaan noong umaga ng June 13, 2022, pasado alas onse ng umaga, inutusan ng asawa ang biktima na bumili ng yelo at habang naglalakad ito ay nakasabayan nito ang suspek.

Nang sila ay makarating sa sagingan, dito na isinakatuparan ng suspek ang pananamantala sa biktima.

Nagawa naman umanong humingi ng saklolo ang biktima subalit walang nakarinig dahil na rin sa kalayuan ng pinangyarihan ng krimen sa mga kabahayan.

Agad na tumakas ang suspek habang dinala naman sa ospital sa Santiago City ang bente nuebe anyos na biktima dahil sa patuloy na pagdurugo sa maselang bahagi ng katawan.



Nanganak rin ng wala sa oras ang biktima na isinailalim sa operasyon at ngayon ay maayos na ang kalagayan kasama ang bagong panganak na baby.

Sa ngayon, mahigpit na binabantayan ng mga barangay officials ang suspek na nasa pangangalaga ng kanyang mga magulang.

Facebook Comments