Monday, June 8, 2026

18 maleta boys, handang muling humarap sa pagdinig sa Senado pero nangangamba na ipa-cite in contempt sila ni Sen. Erwin Tulfo

Muling nagtungo sa Department of Justice (DOJ) ngayong Lunes ang 18 dating bodyguards ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co kasama ang kanilang abogadong si Atty. Levi Baligod.

Ito ay para dumalo sa pagpapatuloy ng preliminary investigation kaugnay sa mga reklamong inihain laban sa kanila ng ilang personalidad na hinatiran umano nila ng male-maletang pera.

Ayon kay Baligod, may 14 na indibidwal pa silang isinumite sa Senado para ipa-subpoena sa susunod na pagdinig.

Bagama’t handa naman aniya silang humarap sa Senate Blue Ribbon Committee Hearing ay nangangamba umano sila kung magiging patas ang committee chair na si Sen. Erwin Tulfo na isa sa pinangalanan nilang tumanggap umano ng maleta.

Sinagot din ni Baligod ang pagdududa sa testimonya ng mga ito matapos na bawiin ang kanilang pahayag sa affidavit na naghatid din umano ng pera kay Sen. Loren Legarda matapos nitong sumakabilang bakod sa mga sinasamahang senador.

Samantala, nakaharap din kanina ng 18 ‘maleta boys’ ang isa sa inaakusahan nilang tumanggap umano ng maleta na si dating Sen. Antonio Trillanes IV.

Facebook Comments