
Sinuspindi ng Senate Blue Ribbon Committee ang consultative meeting ngayong araw para tugunan ang nangyaring 7.8 magnitude na lindol sa ilang probinsya sa Mindanao.
Sinabi ni Senate President pro-tempore Win Gatchalian na habang nasa pulong ay pumapasok ang maraming reports sa malakas na lindol at napakalawak ng naiwang pinsala nito.
Bukod dito, wala rin naman ang 18 ex-bodyguards kaya minabuting suspindihin na lang muna ang consultative meeting.
Dagdag ni Gatchalian, mag-aayos na siya ng grupo ngayon para makapagbigay ng tulong sa Mindanao ang Senado sa lalong madaling panahon.
Naunang nilinaw ni Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo na ang idinaos kanina ng komite ay isang consultative o organizational meeting pa lamang dahil hindi pa sila buo mula sa grupo ng minorya.
Kanina sa pagdinig ay humarap sina National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, Department of Justice (DOJ) Prosecutor General Richard Fadullon at mga kinatawan mula sa Ombudsman at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bukod sa 18-ex bodyguards, ay no show rin sa pagdinig ang mga kongresistang ipinatawag dahil sa umiiral na interparliamentary courtesy.










