
Nananawagan si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibalik ang pagiging miyembro ng Pilipinas sa Rome Statute ng International Criminal Court (ICC).
Nakasaad ito sa inihain ni De Lima na House Resolution No. 1056 kung saan hinihiling din nya sa Department of Foreign Affairs (DFA) na asikasuhin na ang mga hakbang para muling makasali ang ating bansa bilang miyembro ng ICC alinsunod sa ating Konstitusyon at mga kaukulang batas.
Nakapaloob din sa resolusyon ni De Lima ang paghikayat sa kapwa mambabatas na ito ay suportahan para mapalakas ang paglaban ng Pilipinas sa impunity and atrocity crimes, at pagtataguyod sa dignidad ng sangkatauhan at pag-iral ng batas.
Dagdag pa ni De Lima, mapapatibay din nito ang pagsusulong ng ating bansa ng katarungan at pananagutan gayundin ang pagbibigay proteksyon sa karapatang-pantao.










