Labinsiyam na kasuotang likha ng mga lokal na designer na tubong Pangasinan ang tampok sa “Masanting Exhibit” sa Banaán Pangasinan Provincial Museum sa Casa Real, Lingayen.
Tampok sa bawat disenyo ang iba’t ibang inspirasyong nagmula sa mayamang kasaysayan at kultura ng lalawigan.
Kabilang dito ang likha ng nagsisimulang designer na si Nathaniel Bryan Motea na inihalintulad ang kaniyang disenyo sa imahe ni Urduja, isang pigurang malalim ang ugnayan sa kasaysayan at pagkakakilanlan ng Pangasinan.
Samantala, kasaysayan din ang naging pundasyon ng disenyo ni Edison Bergantiños, na hinango naman ang kaniyang likha sa pigura ni Limahong.
Hindi basta-basta nabuo ang mga kasuotang ito. Sabay-sabay na isinagawa ng mga designer ang pagbuo sa kanilang mga obra sa loob ng tatlong araw na locked-in workshop sa Sison Auditorium sa Lingayen.
Bawat tela, sinulid at materyales ay naging bahagi ng isang mas malaking kuwento—ang paglalapat ng malikhaing talento sa kasaysayan at kulturang Pangasinense.
Isinagawa ang exhibit bilang bahagi ng pagdiriwang sa ikatlong anibersaryo ng Banaán Pangasinan Provincial Museum, gayundin ng Provincial Tourism Month at Creative Industries Month.
Mananatiling bukas at libre sa publiko ang “Masanting Exhibit” mula Setyembre 9 hanggang 11 sa Banaán Pangasinan Provincial Museum sa Casa Real, Lingayen. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








