Fare discount, ipatupad sa lahat ng PUVs – Sen. Grace Poe

Umapela si Public Services Committee Chairperson Senator Grace Poe sa gobyerno na ipatupad sa lahat ng Public Utilities Vehicle (PUV) ang bawas-singil sa pamasahe.

Ito’y matapos ihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kasalukuyan pang pinag-aaralan kung isasama sa fare discount ang mga UV express at limitado lang sa ilang ruta ang ipapatupad na bawas pasahe.

Ayon kay Poe, malaking tulong ang bawas pasahe para pandagdag sa pang-araw-araw na gastos ng isang commuter na patuloy na dumaranas ng mataas na presyo ng mga bilihin.


Hiling ni Poe na sa pagpapatupad ng diskwento sa pamasahe ay lahat sana ng PUV at lahat ng ruta sa buong bansa ay saklawin ng kautusan na ito.

Giit ni Poe, walang sinuman ang nakakatakas sa patuloy na pagtaas ng inflation at ang bawat pisong matitipid ay malaking pantulong sa mga kababayan para makabili ng pagkain at mabayaran ang iba pang mga gastusin ng isang pamilyang kulang ang kinikita.

Umaasa ang senadora na patuloy na gagamitin ng Department of Transportation (DOTr) ang mga resources nito para pagbutihin ang transportation sector at kapakanan ng mga commuters.

Facebook Comments