
Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng koneksyon ng isinagawang operasyon laban sa ilegal na online sabong na nadiskubre sa Talisay City, Negros Occidental, at sa puganteng negosyante na si Charlie “Atong” Ang.
Ayon kay PNP Spokesperson Brigadier General Randulf Tuano, dalawa ang pinupuntahan ng nasabing imbestigasyon. Bukod sa unang nabanggit, tinitingnan din ang posibleng koneksyon ng police major na sangkot sa nasabing ilegal na operasyon kay Atong Ang bilang operator nito.
Kaugnay nito, ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Spokesperson Major Helen Dela Cruz, ang nasabing police major ay naka-assign sa Bacolod City at na-relieve na rin ito sa puwesto at kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Headquarters para sa imbestigasyon.
Ayon pa kay Dela Cruz, ang nasabing personnel ay nagsilbi rin bilang CIDG provincial officer sa Negros Island Region.
Nabatid na noong April 22, 30 indibidwal ang naaresto sa pasilidad ng illegal online sabong sa Talisay City.
Samantala, ayon sa PNP, patuloy ang kanilang isinasagawang manhunt operation laban kay Atong Ang.










