Monday, April 27, 2026

Pagkamatay ng 19 katao sa engkwentro sa Toboso, Negros Occidental, pinaiimbestigahan sa Kamara

Pinaiimbestigahan ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc sa House Committee on Human Rights ang pagkasawi ng 19 katao matapos ang engkwentro sa pagitan ng 79th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga hinihinalang rebelde sa Toboso, Negros Occidental noong April 19 hanggang 20.

Nakapaloob ito sa inihain na House Resolution No. 962 nina Representatives Antonio Tinio, Sarah Jane Elago, at Renee Louise Co, na humihiling na mailatag ang katotohanan at buong detalye ng insidente, gayundin ng sapilitang paglilikas sa 653 katao.

Ayon sa Makabayan Bloc, hindi dapat basta tanggapin ang salaysay ng militar na ang mga nasawi ay armadong nakikibaka at pawang mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Diin ng grupo, may mga testigo at ebidensyang nagpapakita na masaker umano ang naganap.

Nakapaloob din sa resolusyon ang panawagan sa Kamara na suportahan ang independent at impartial investigations ng Commission on Human Rights (CHR) at iba pang credible human rights organizations.

Iginiit din ng Makabayan Bloc ang agarang pagbasura sa Memorandum Order No. 32, na nagde-deploy ng karagdagang militar at pulis sa Negros at iba pang rehiyon upang wakasan umano ang lawless violence.

Facebook Comments