Sunday, August 2, 2026

2 cosmetic product na ibinebenta sa Pilipinas, pinare-recall ng FDA sa merkado dahil sa epekto sa kalusugan

Ipinag-utos ng Food and Drug Administration (FDA) ang pag-alis sa merkado ng dalawang cosmetic product matapos matuklasang naglalaman ng mga ipinagbabawal na sangkap na maaaring makasama sa kalusugan.

Batay sa utos ng FDA, ipinare-recall ang mga apektadong batch ng Beauty White Facial Toner na may Batch/Lot No. YGRT 260203 at Beauty Love Skin Essentials Rejuvenating Facial Toner na may Batch/Lot No. BLT260301 na ginawa ng You Glow Babe Skin Care Product Trading OPC at KCN Enterprises

Ayon sa ahensiya, natuklasang naglalaman ang mga naturang cosmetic product ng Tretinoin at Hydroquinone sa isinagawang laboratory analysis na bahagi ng post-marketing surveillance activities.

Kabilang anila sa mga posibleng side effect ng mga naturang sangkap ang iritasyon sa balat, mata, at respiratory system, hypersensitivity o allergic reactions, pagtaas ng sensitivity sa ultraviolet (UV) radiation, exogenous ochronosis, reproductive at developmental toxicity, at posibleng carcinogenic at genotoxic effects.

Sa ngayon, inatasan ng FDA ang lahat ng Regional Field Offices at Regulatory Enforcement Units, mga lokal na pamahalaan at law enforcement agencies na siguruhing wala na ito sa merkado.

Habang pinayuhan din nila ang mga consumer na nakabili na nito na makipag-ugnayan sa mga manufacturers.

Facebook Comments