
Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari at rider ng isang motorsiklo matapos mag-viral dahil sa mabilis na pagmamaneho.
Ayon sa LTO, pinahaharap sila sa pagdinig at pinagsusumite ng kanilang paliwanag kaugnay ng posibleng kasong reckless driving at ang iba pang paglabag na maaaring matukoy sa imbestigasyon.
Samantala, preventively suspended din sa loob ng 90 araw ang driver’s license ng rider at inatasan itong isuko sa LTO.
Habang inilagay na rin sa alarm status ang naturang motorsiklo habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao, walang lugar sa mga pampublikong kalsada ang mapanganib at iresponsableng pagmamaneho at pananagutin ang sinumang motorista na maglalagay sa panganib sa ibang gumagamit ng lansangan.
Muli ring hinikayat ng LTO ang publiko na isumbong ang mga paglabag sa batas-trapiko upang agad na maaksyunan ng awtoridad.










