
Humarap sa Day 10 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang dating branch manager ng Landbank Shaw Boulevard na si Violeta Constantino para tumestigo sa Article 1 o ang hindi tamang paggamit ng P612.5 million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong Kalihim pa ng Department Education (DepEd) ang bise.
Si Constantino ang nagsupervise sa cash withdrawal ng OVP noong DepEd Secretary pa si VP Duterte kung saan ang special disbursing officer na si Gina Acosta ang nag-withdraw ng apat na beses mula December 2022 hanggang September 2023 na aabot sa P125 million kada transaksyon.
Sa nagpapatuloy na paglilitis, tinanong ni Senator-judge Erwin Tulfo si Constantino kung normal ba na mag-encash ng ganitong kalaking halaga.
Inamin ni Constantino na “unusual” o hindi pangkaraniwan ang ganitong kalaking halaga ng withdrawal subalit hindi na ito binusisi dahil may abiso naman mula sa OVP sa gagawing withdrawal.
Sinabi ng dating branch manager na bago magsagawa ng encashment ay tumatawag muna si Queenie Masangkay ng Cash Department ng OVP para i-advice ang withdrawal.
Sa pagbusisi naman ni Senator-judge Bam Aquino kung inirereport ba ang unusual withdrawal na ito, sinagot ni Constantino na anumang halaga na higit sa P500,000 ay inirereport sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) bagaman hindi nito idinetalye ang naturang impormasyon.
Sinabi rin nito na hindi naman sila nagduda sa transaksyon dahil lehitimo ito bagaman unang pagkakataon niya na mag-asikaso ng ganitong kalaking withdrawal ng pera dahil karaniwan ang mga malalaking halaga ay sa cheke idinadaan o sa online at hindi ini-encash.
Naunang sinabi ni Constantino na inilalagay sa tatlo o apat na mahabang gym bag ang mga na-encash na pera.
Sa paglilitis, ipinakita ang apat na cash withdrawals ng OVP sa LBP Shaw Blvd branch na P125 million o kabuuang P500 million kung saan si prosecutor Rep. Joel Chua ang nagsagawa ng direct examination sa testigo.
Hindi naman nag-cross examination ang defense team ni VP Sara kay Constantino.










