
Hindi pinayagan ng Senate Impeachment Court ang presentasyon at identification ng testigo ng prosekusyon sa dalawang korporasyon na JTC Group of Companies at Pikimong Pikimong Philippines.
Sa Day 27 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, humarap si Securities and Exchange Commission (SEC) Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo del Rosario para patotohanan ang mga negosyong nakadeklara sa SALN ni VP Sara na may interes ang bise at ang asawang si Atty. Manases Carpio.
Gayunman, nag-object si Atty. Justin Nicol Gular ng defense team sa identification at authentication ng mga corporate documents na kabilang sa JTC Group of Companies at sa Pikimong Pikimong Companies dahil may naunang ruling ang impeachment Court na irrelevant ito dahil walang nailatag na malinaw na koneksyon ang mga korporasyon sa bise presidente.
Dagdag ni Gular, hindi rin nakasaad sa articles of impeachment ang dalawang korporasyon at wala ring distinction ng mga bank records at corporate records na pag-aari ng dalawang kompanya.
Gayunman, iginiit ni Atty. Erwin Matib ng prosecution team na nais nilang i-establish o ipakita sa testimonya ni Del Rosario ang koneksyon ni VP Sara sa dalawang kompanya kaya premature ang objection ng depensa.










