Monday, September 21, 2026

School threat sa Sultan Kudarat , naagapan ng pulisya; menor de edad, nasa likod nito

Naagapan ng pulisya ang isang banta ng shooting sa Kapingkong National High School sa Purok Quezon, Brgy. Matiompong, Lambayong Sultan Kudarat.

Ayon sa ulat ng pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon sa isang guro sa nasabing paaralan patungkol sa posibleng banta na dinaan sa Facebook post at screenshot kaninang 1:20 ng madaling araw.

Nakasaad sa isa sa mga post, ” Dito lang kami sa gilid ng school niyo KNHS ako yung titira bukas. Ingat sa mga kaaway namin jan”

Bukod dito ay may isa pang post na may banta rin umano ng shooting incident sa paaralan.

Kasama ng nasabing mga posts ang mga litrato ng isang short at long firearm.

Agad na nagtungo ang mga awtoridad sa lugar ng alyas “Jafar” at dito na binanggit sa kanyang magulang ang umano’y online threat.

Dinala naman ang menor de edad na isang 13 taong gulang sa Matiompong Brgy. Hall kasama ng kanyang magulang at ipinaalam sa kanila ang posibleng epekto at legal na pananagutan kaugnay ng ginawa ng estudyante .

Samantala, isinailalim sa intervention ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang nasabing menor de edad at kaniyang guardian, kabilang ang nakatakdang counseling.

Pansamantala naman siyang tinurn over sa kanyang guardian habang patuloy ang monitoring sa menor de edad upang maiwasan ang anumang posibleng insidente.

Facebook Comments