Friday, September 18, 2026

NBI, hindi lang dapat tumutok sa mga flood control projects sa Davao

Bukas si Davao City 1st District Representative Paolo Duterte sa imbestigation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa flood control projects sa kaniyang distrito.

Pero giit ni Duterte, hindi lang ang mga flood control project sa Davao ang dapat pagdiskitahan ni NBI Director Atty. Melvin Matibag.

Ayon kay Congressman Pulong, kamusta naman ang flood control projects sa unang distrito ng Laguna kung saan kinawatan ang misis ni Director Matibag na si Congresswoman Ann Matibag.

Sabi ni Duterte, may hawak silang mga video ng mga proyekto sa distrito ni Rep. Matibag at ng mga Discaya.

Giit pa ni Rep. Duterte, dapat walang selective investigation dahil ebidensya ang dapat magsalita.

Sa ambush interview sa Kamara ay mariing itinanggi ni Dir. Matibag na sa Davao lang nakatuon ang imbestigasyon nito hinggil sa flood control scam.

Ayon kay Dir. Matibag, kung may mga ebidensya si Cong. Pulong hinggil sa umano’y ghost o substandard flood control projects sa Laguna ay maaari naman itong maghain ng reklamo.

Binigyang-diin ni Matibag bukod sa Davao ay maraming pang lugar na iniimbestigahan ng NBI tulad ng mga proyekto sa Bulacan, Mindoro, Pampanga, Olongapo, Cebu at iba pang lugar.

Facebook Comments