
Nagsumite ng petisyon sa Office of the President si election lawyer Atty. Romulo Macalintal, na humihiling kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang panukalang nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Hiniling din ni Macalintal na makaharap si PBBM at ang mga legal adviser nito para personal na maipaliwanag ang kanyang pagtutol sa panukala.
Ayon sa abogado, hindi dapat pahabain ang termino ng mga kasalukuyang barangay at SK officials sa pamamagitan ng postponement ng halalan.
Ipinunto rin niya na nakapaghanda na ang COMELEC para sa November 2 polls, kabilang ang pag-imprenta ng mga balota at iba pang gastusin para sa halalan.
Para kay Macalintal, kung nais baguhin ang termino ng barangay at SK officials, dapat itong ipatupad sa mga bagong halal na opisyal, hindi sa mga kasalukuyang nakaupo.
Kaya hiling ng abogado kay PBBM na huwag aprubahan ang enrolled bill at gamitin ang veto power nito para mapanatili ang nakatakdang November 2 BSKE.










