
Nasa 200 miyembro ng mga grupong Small Entrepreneurs for Livelihood Development Association (SELDA) at Sentro ng Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) ang nagsagawa ng kilos protesta sa harap ng Las Piñas Hall of Justice.
Ito’y matapos umanong mabigong mahanap ang tanggapan ng PrimeWater sa nakalistang address nito sa lungsod.
Ayon kay Jonathan Chua, tagapagsalita ng grupo, nagtungo sila sa isang gusali sa Philamlife Village, Las Piñas City upang ihain sana ang libo-libong reklamong may kaugnayan sa madalas na pagkawala ng tubig, mahinang water pressure, kwestiyonableng paniningil, at mga usapin sa kalidad ng serbisyo.
Pero sinabi umano sa kanila ng mga tauhan sa lugar na matagal nang wala roon ang opisina ang PrimeWater.
Dahil dito, kinuwestiyon ng mga nagprotesta ang umano’y hindi na napapanahong address na nakalathala para sa kumpanya at kung paano makapaghahain ng reklamo ang mga mamimili kung wala na pala itong operasyon sa naturang lokasyon.
Matapos mabigong mahanap ang kumpanya, nagsagawa ng flash rally ang mga grupo sa harap ng Hall of Justice upang kwestiyunin ang naging paghahain ng kaso ng PrimeWater sa Las Piñas at ang batayan ng pagpili sa lungsod bilang venue ng kaso.
Nagpahayag din ang SELDA at SENTRO ng mga katanungan hinggil sa pamunuan ng Pamana Water Corp., partikular sa pagkakatalaga umano kay Paula Jane Salon bilang pangulo ng kumpanya.










