Wednesday, June 17, 2026

Senado, inaprubahan ang resolusyon na humihimok sa Gobyerno na tiyakin ang sapat na pondo at resources para sa pagsasaayos at pagbangon ng Mindanao

Pinagtibay na sa Senado ang resolusyon para sa pagtiyak ng sapat na pondo para sa muling pagbangon at pagsasaayos ng mga lugar sa Mindanao na tinamaan ng 7.8 magnitude na lindol noong June 8.

Inaprubahan sa special session ng Senado ang Senate Resolution 447 na inihain ni Senate Deputy Majority Leader at Senator Joel Villanueva na humihimok sa national government na tiyakin ang sapat na pondo at resources para mapabilis ang relief, rehabilitation, reconstruction at recovery ng mga komunidad na sinira ng malakas na lindol.

Sa resolusyon ay inaatasan ang pamahalaan na gawin ang lahat ng paraan na masiguro ang availability ng pondo para sa muling pagsasaayos ng mga nasirang imprastraktura, paaralan, ospital, tulay at mga tahanan gayundin ang pagbangon ng lokal na ekonomiya at panunumbalik ng kabuhayan ng mga apektadong pamilya, mga manggagawa, magsasaka, mangingisda at mga negosyo.

Tinukoy ni Villanueva na batay sa pinakahuling assessment, aabot sa P1.13 billion ang halaga ng pinsala sa pampubliko at pribadong imprastraktura at inaasahan pa ang pagtaas sa halaga kapag nakumpleto na ang assessment.

Kinatigan at nag-co-sponsor din sa resolusyon sina Senators JV Ejercito, Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo at Raffy Tulfo.

Kinilala rin ng mga mambabatas ang kabayanihan ng mga frontliners na kinabibilangan ng mga rescue workers, medical teams, uniformed personnel, volunteers, humanitarian organizations at mga lokal na pamahalaan na mabilis na rumesponde sa nangyaring lindol.

Idineklara naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na co-sponsor ng resolusyon ang lahat ng mga senador.

Facebook Comments