
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na planado ang nangyaring pamamaril sa loob ng isang pampublikong high school sa Tacloban City kahapon na ikinasawi na 3 mag-aaral.
Ayon kay Region 8 Police Director BGen. Jason Capoy, bago pa mag-May 1 ay napag-alaman na pinagplanuhan ang nasabing krimen na kung saan may target itong isang indibidwal na hindi nila nakita ng mga panahong ginawa nila ang nasabing aktibidad.
Dahil hindi umano makita ang kanilang target ay nagpaputok na lang ito sa kahit na sino sa nasabing paaralan.
Ayon pa kay Capoy, ang isa sa mga menor de edad ay naimpluwensyahan ng larong Gorebox na kahalintulad umano ng larong Roblox na iniuugnay na sa karahasan dahil malaya itong makagawa, makakasira at makapagdulot ng kaguluhan gamit ang iba’t ibang uri ng armas.
Samantala, ayon pa kay Capoy, nakababahala ang mga text message ng mga suspek na kumalat na rin online dahil alam nila na hindi sila makukulong agad at nagbabasa rin umano ito ng batas patungkol sa juvenile justice.
Kaugnay nito 20 sa napaulat na nasugatang mag-aaral sa nasabing insidente kung saan ang 15 rito ay direktang may kaugnayan sa pamamaril habang ang 5 naman ay dahil sa pagtalon sa nasabing eskwelahan.
Sa ngayon nasa kustodiya pa rin ng pulisya ang mga suspek kasama ng City Social Welfare and Development (CSWD) habang nagpapatuloy ang imbestigasyon .










