24-inches na ‘Bolo Knife’, Ginamit sa Pananaga sa isang Ginang; Suspek Arestado

40
Cauayan City, Isabela- Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa magsasaka matapos nitong pagtatagain ang isang Ginang gabi ng Sabado, Abril 2,2022 sa Zone 2, Brgy. Gabun, Lasam, Cagayan.

Kinilala ang suspek na si Roel Orpilla, 30-anyos habang ang biktima ay si Patricia Abubacar,32-anyos, tindera at kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad, isang saksi na kinilalang si Cynthia Lagua,23-anyos ang naglahad sa mga pulis ng totoong nangyari sa insidente kung saan lango umano sa nakalalasing na inumin ang suspek ng magtungo ito sa bahay ng biktima at komprontahin ito tungkol sa matagal ng away sa pagitan ng kanilang mga pamilya.

Pagkatapos ng maikling pag-uusap nila, nairita ang suspek at walang kaabog-abog ay pinagtataga ng makailang beses ang biktima gamit ang ‘bolo’ dahilan para magtamo ito ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Agad namang tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon bitbit pa rin ang patalim na ginamit sa pananaga.

Naisugod naman ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan para mabigyan ng atensyong medikal.



Dahil sa insidente, agad na nagkasa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad na nagresulta ng pagkakadakip sa suspek at nakuha mula sa kanya ang ginamit na patalim na may habang 24-pulgada.

Sa kasalukuyan ay nagpapagaling ang biktima matapos ang nangyaring pananaksak.

Facebook Comments