
Iginiit ni House Assistant Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Representative Robert Nazal ang pangangailangan na isailalim sa masusing pag-review, update, at mahigpit na implementasyon ang Strategic El Niño National Action Plan para sa kasalukuyang taon hanggang 2027.
Sa inihaing House Resolution No. 1555, ay binigyang diin ni Nazal na kailangan ang whole of nation approach sa pagtugon sa Super El Niño phenomenon upang maiwasan ang matindng epekto nito lalo na sa suplay ng tubig sa buong bansa.
Ayon kay Nazal, dapat maging mabilis ang pagkilos ng national government, lalo na ang Task Force El Niño, National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), PAGASA, at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan.
Diin ni Nazal, dapat matiyak na epektibo ang bawat hakbang lalo’t sa kasalukuyan ay marami nang probinsya ang nakakaranas na ng matinding kakulangan sa supply ng tubig na nagdudulot ng sunod, regular na water interruptions at pagkakasakit.
Kasama din sa mga mungkahi ni Nazal ang maintenance at repair ng mga critical irrigation and water supply infrastructure at pagpapatupad ng proteksyon sa mga manggagawa at mag-aaral laban sa matinding init.
Nananawagan din si Rep. Nazal sa Department of Budget and Management (DBM) na agad ipa-labas para magamit na ang National and Local Disaster Funds.










