25 MODULAR SHELTER UNITS PARA SA MGA PAMILYANG APEKTADO NG BAGYONG UWAN SA SAN FABIAN, SINURI NG DHSUD

Sinuri ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Regional Office I ang kondisyon at paggamit ng 25 modular shelter units sa Barangay Cayanga, San Fabian, Pangasinan noong Oktubre 13, 2026.

Pagtitiyak ito sa maayos na paggamit, pangangalaga at pamamahala sa mga pasilidad na inilaan para sa mga pamilyang nasira ang mga tahanan dahil sa Bagyong Uwan.

Kabilang sa mga sinuri ang kasalukuyang kondisyon ng mga shelter unit, bilang ng mga aktuwal na naninirahan dito, pagpapanatili ng mga pasilidad at pamamahala sa mga ito.

Pormal na ipinagkaloob sa lokal na pamahalaan ng San Fabian ang 25 modular shelter units noong Abril 14, 2026 upang makatulong sa pangangailangan sa pabahay ng mga pamilyang naapektuhan ng nasabing bagyo.

Kasama sa monitoring visit sina San Fabian Mayor Marlyn E. Agbayani at Municipal Social Welfare and Development Officer Queenie Rose H. Cabanlig.

Bukod dito, nabahagi rin ng kaalaman at mabubuting pamamaraan sa pangangasiwa ng mga modular shelter facility sa pagitan ng DHSUD at lokal na pamahalaan.

Sa pamamagitan nito, layon ng ahensiya na mapalakas ang pangangalaga at pangmatagalang paggamit ng mga pasilidad na nakalaan para sa mga pamilyang nangangailangan ng tulong sa pabahay, lalo na sa panahon ng kalamidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments