Friday, September 18, 2026

MGA BAHAY NA MAS MABABA NA SA KALSADA SA DAGUPAN, TINUTUKAN; DRAINAGE AT IBA PANG SOLUSYON SA BAHA, SINURI NI SECRETARY DIZON

Paano maiiwasang sa mga bahay mapunta ang tubig kapag itinataas ang mga kalsada?

Ito ang isa sa mga problemang tinutukan ni DPWH Secretary Vince Dizon sa pag-iinspeksyon sa flood mitigation projects sa Dagupan City nitong Setyembre 17.

Sa Barangay Mayombo, nakita ang malaking diperensya sa elevation ng ilang bahagi ng kalsada at mga katabing lugar. Ayon kay Dizon, kailangang maituloy ang pagtataas sa mga natitirang mababang bahagi dahil dito maaaring dumaloy at maipon ang tubig.

“Kitang-kita mo, dito napakataas, dito mababa. Pag umulan, saan pupunta ang tubig? Siyempre dito sa mababa. Eh kawawa naman yung mga kababayan natin dito.”

Pero nilinaw ng kalihim na hindi road elevation lamang ang sagot. Kailangan itong sabayan ng mas malaki at maayos na drainage upang hindi sa mga kabahayan mapunta ang tubig.

Sa bahaging ininspeksyon sa Mayombo, mula sa dating 0.6 metro ay pinalaki sa 1.5 metro ang drainage.

Mula Mayombo, nagtungo naman si Dizon sa St. John the Evangelist Cathedral compound, kung saan sinuri ang anti-flood project at ang kondisyon ng bahagi ng riverbank.

Sa assessment sa lugar, napag-usapan ang kondisyon ng gabion, ang lebel ng ilog at ang pangangailangang magsagawa muna ng dredging bilang agarang hakbang.

“Is there seepage under? Or is the ground mostly wet over time? … So our immediate here is… because the gabion is five meters, and the elevation is about three meters. So more than half of your gabion, it’s already under the river. So the immediate is, of course, there. That’s critical… So we have to dredge first.”

Kasama ni Dizon sa inspeksyon sina Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Pangasinan 4th District Rep. Gina de Venecia, at ilang opisyal ng Dagupan City at DPWH.

Bukod sa road elevation, pinag-aaralan ngayon ang magkakaugnay na drainage improvement, dredging at iba pang flood mitigation measures upang mabawasan ang pagbaha sa Dagupan City. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments