NCSC, NAGBABALA SA SENIOR CITIZENS LABAN SA PEKENG AYUDA SCAM

Nagbabala ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) laban sa mga mapanlinlang na scammer na nagpapanggap na mga kawani ng gobyerno upang makapanloko at makapanamantala ng mga senior citizen sa pamamagitan ng pekeng alok ng financial assistance o ayuda.


Ayon sa NCSC, may naiulat na mga insidente sa Cebu at Aklan kung saan ilang senior citizen umano ang naloko at nakuhanan ng pera at iba pang ari-arian.


Mariing kinondena ng Komisyon ang naturang panloloko at hinikayat ang mga senior citizen na agad magsumbong sa pulisya o sa kinauukulang awtoridad kapag may kahina-hinalang tao o operasyon.


Maaari rin silang makipag-ugnayan sa NCSC upang ma-refer sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) para sa libreng tulong legal.


Samantala, wala pa namang naitatalang kaso sa Rehiyon uno ukol sa naturang modus ngunit patuloy ang NCSC Region 1 sa pagbibigay ng serbisyo at assistance sa mga senior citizen.


Nananatili itong nakatuon sa pagbibigay ng accessible assistance at responsive services sa mga older persons at kanilang mga organisasyon sa buong Region I.

‎ Bukod dito, nagsasagawa rin ng Lawyer of the Day Initiatives (LODI) ang tanggapan upang magbigay ng libreng legal consultation at assistance sa mga kliyenteng senior citizens. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments