3 TAONG GULANG NA BATA, NATAGPUAANG PALUTANG-LUTANG AT WALA NG BUHAY

Pinaniniwalaang nahulog at nalunod ang nasawing tatlong taong gulang na bata sa bayan ng Buguey, Cagayan matapos makitaan ng sugat sa ulo at dugo sa ilong ng makekober ng mga awtoridad ang kanyang bangkay sa ilog kaninang umaga, Nobyembre 25, 2022.

Kinilala ang bata na si Prince Arvin Tatad na tubong Centro West, Buguey, Cagayan.

Ayon sa pahayag ni PMaj. Cherrie Bartolome, hepe ng PNP Buguey, sa Police Regional Office (PRO 2) Newsblast, personal na idinulog umano ng lolo ng biktima sa kanilang istasyon ang pagkawala ng kanyang apo bandang 10:00 ng umaga kahapon, Nobyembre 24, 2022.

Agad namang nagsagawa ang mga awtoridad ng search and rescue operation na umabot ng magdamag ngunit bigo na makita ang bata.

Samantala, dalawang mangingisda na maagang nagpunta sa ilog upang mamingwit sana sa Buguey Lagoon ang nakakita sa palutang lutang na katawan ng bata na wala ng buhay.

Batay sa impormasyong nakuha ng PRO 2 sa lolo ng biktima na si Mang Armando, isinama niya umano ang apo kahapon ng umaga upang mamalengke.



Nakagawian na daw nitong iparada ang motorsiklo sa fish port at iniwan ang apo dito upang hintayin siya sa pamimili ngunit mga sampung 10 minuto lang matapos ito bumili ng isda at gulay ay di na niya nakita ang apo sa pinag-iwanang lugar.

Samantala, inilarawan naman ng ina ng biktima bilang isang malambing, pogi, at masipag ang anak.

Si Prince Arvin ay solong anak ng kanyang mga magulang.

Facebook Comments