Sunday, July 19, 2026

4 na Philippine registered vessels, ligtas na nakatawid ng Strait of Hormuz; ilang mga Pinoy, stranded sa muling pagsiklab ng tensiyon sa Middle East

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ligtas na nakatawid sa Strait of Hormuz palabas ng Persian Gulf ang apat na barko na nakarehistro sa Pilipinas.

Ayon sa DFA, ligtas din ang nasa 81 Pilipinong tripulante na sakay ng MV Lyng Trader, MV Western Doncaster, MV Vivian Trader, at MV Eva Fuji.

Sa ngayon, balik sa regular na tungkulin na ang karamihan sa mga tripulante habang may iba naman na piniling umuwi sa kanilang mga pamilya.

Samantala, may ilang mga tripulanteng Pinoy pa rin ang stranded sa rehiyon kasunod ng pagsuspinde sa evacuation dahil sa muling pagsiklab ng tensiyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.

Patuloy namang mino-monitor ng DFA ang kanilang mga sitwasyon at tiniyak na gagawin ang lahat para ligtas na makauwi.

Samantala, pinag-iingat din ng Philippine Embassy sa Kuwait ang mga kababayan doon at pinayuhang maging alerto dahil sa nagpapatuloy na tensiyon sa Gitnang Silangan.

Facebook Comments