Saturday, July 18, 2026

Traffic enforcer na nag-counterflow sa EDSA bus lane, inisyuhan na ng Show Cause Order ng LTO

Pinagpapaliwanag na ng Land Transportation Office o LTO ang rehistradong may-ari at itinalagang rider ng motorsiklo na umano’y ginamit ng isang traffic enforcer at nag-counterflow o humarang pa sa EDSA bus lane.

Ito ay partikular sa kung bakit hindi dapat managot ang traffic enforcer sa mga kasong Driving Against Traffic at Obstruction of Traffic; at kung bakit hindi dapat masuspinde o mabawi ang lisensya ng traffic enforcer dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Ayon sa ulat ng LTO, nagdulot umano ang nasabing insidente ng pagkaantala sa daloy ng nga sasakyan.

Sinabi rin sa Facebook page na ahensya na mistulang nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang traffic enforcer base umano sa obserbasyon sa kumakalat na video ng insidente sa social media.

Dahil dito, hiwalay umanong isasailalim sa berepikasyon ang nasabing obserbasyon.

Sa ngayon, isinailalim na sa 90-day preventive suspension ang lisensya ng driver, habang nasa ilalim naman ng alarm status ang motrosiklong ginamit umano sa insidente habang gumugulong ang imbestigasyon.

Facebook Comments