Sunday, July 19, 2026

PCG Spokesperson Tarriela, muling sinagot si Sen. Padilla sa paglarawan ng China sa mga Pilipino bilang unggoy

“Hindi po tayo unggoy at hindi po ako ang kalaban dito dahil pareho po tayong Pilipino.”

Bahagi ito ng sagot ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela sa panibagong banat laban sa kaniya ni Sen. Robin Padilla.

Kaugnay pa rin ito sa inilabas na AI generated video ng Chinese state-media tungkol sa 2016 Arbitral Ruling kung saan inilarawan ang mga Pilipino bilang unggoy.

Ayon kay Tarriela, walang kinalaman ang mga sinasabi ni Padilla na “puti” tungkol sa racist video at ang dapat aniyang kondenahin dito ay ang China na gumawa at nagpakalat nito.

Sinabi ni Tarriela na ngayon lang niya napagtanto na siya pa rin ang sinisisi ng senador at hindi ang China sa ginawang mapang-insulto na video.

Wala rin aniya siyang intensiyong gamitin ang lecture noon na gumamit ng caricature tampok si Chinese President Xi Jinping bilang isang wartime propaganda at matagal nang naka-move on ang lahat sa isyu.

Iginiit din ni Tarriela na hindi dapat malito si Padilla dahil hindi umano siya ang kalaban dito at hindi rin niya binabanatan ang senador.

Facebook Comments