
Binawi ng apat na senador ang kanilang lagda sa committee report ng kontrobersyal na Senate Bill 1979 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill.
Sa liham na ipinadala kay Senate President Chiz Escudero, inihayag nina Senators JV Ejercito, Cynthia Villar, Nancy Binay at Christopher “Bong” Go ang pagbawi nila sa kanilang lagda sa committee report ng kontrobersyal na panukala.
Partikular na tinukoy ng mga mambabatas ang mga negatibong feedback at napakaraming concerns ng publiko na ibinabato tungkol sa panukala.
Naniniwala ang mga senador na mahalagang matugunan ng gobyerno ang laganap na teenage pregnancy sa bansa subalit kailangan dito ng sapat na dayalogo sa pagitan ng stakeholders upang ganap na maisaayos at maging katanggap-tanggap sa lahat ang panukala.
Unang ipinagmalaki noong nakaraang linggo ni Senator Risa Hontiveros na siyang pangunahing nagsusulong ng panukala na mayroong 17 senador ang lumagda sa committee report ng panukala.