Tuesday, June 23, 2026

PBBM, tiniyak ang tuloy-tuloy na flood control projects para maiwasan ang matinding pagbaha

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatuloy ang rehabilitasyon at pagtatayo ng mga imprastraktura upang mabawasan ang pinsala ng pagbaha at iba pang kalamidad sa bansa.

Sa kanyang inspeksyon sa rehabilitasyon ng Mananga River sa Talisay City, Cebu, sinabi ng Pangulo na layunin ng pamahalaan na maiwasan ang pag-ulit ng matinding pagbaha at pagkasira ng mga ari-arian na naranasan sa mga nagdaang bagyo.

Ayon kay Marcos, hindi lamang pagkukumpuni ng mga nasirang istruktura ang ginagawa ng pamahalaan kundi pati pagpapatupad ng pangmatagalang solusyon upang makontrol ang daloy ng tubig at mabawasan ang panganib ng pagbaha.

Sinabi rin ng pangulo na nakalaan na sa panukalang 2027 national budget ang pondo para sa mga proyektong rehabilitasyon at flood control upang matiyak na magpapatuloy ang mga ito.

Kabilang sa mga hakbang na ipinatutupad ng pamahalaan ang pagpapalakas ng mga flood control structure, pagtatayo ng drainage systems, pagpapatupad ng no-build zones, at paglilipat ng mga residenteng naninirahan sa mga lugar na delikado sa baha.

Binanggit din ni Marcos ang mga nakaplanong dam projects sa Cebu bilang bahagi ng mas malawak na programa upang mabawasan ang pagbaha mula sa malalaking ilog sa lalawigan.

Facebook Comments