
Nanawagan si Senator Robinhood Padilla na bigyan ng pagkakataon ang isinusulong niyang panukala na amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act.
Kaugnay ito ng shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng 3 at ikinasugat ng lima kung saan dalawang menor de edad ang suspek.
Giit ni Padilla, dapat na maibaba sa 10 taong gulang mula sa 15 taong gulang ang minimum age of criminal responsibility dahil sa tindi ng mga krimen na kinasasangkutan na rin ng mga kabataan.
Tinukoy pa ng senador na ang Europa kung nasaan naroon ang mga opisina ng UN-Human Rights ay itinakda sa sampung taon ang age of criminal responsibility kaya bakit hindi natin gayahin dahil karamihan naman ng best practices sa ibang bansa ay ginagawa na rin natin.
Punto ni Padilla, dumarami ang mga kabataang nasasangkot sa paghoholdap, panghahalay at ngayon ay nasasangkot pa sa pamamaril.










