Friday, April 17, 2026

400 KLIYENTE, NATULUNGAN SA PERMITTING ON WHEELS NG DENR SA ALAMINOS CITY

Umabot sa humigit-kumulang 400 kliyente ang natulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Ilocos Region sa isinagawang dalawang araw na “Permitting on Wheels” (POW) sa Alaminos City, Pangasinan.

Layunin ng aktibidad na mailapit sa publiko ang mga pangunahing serbisyong pangkapaligiran sa pamamagitan ng mas mabilis, episyente, at mas accessible na proseso ng pagkuha ng permit at iba pang kaukulang dokumento.

Isinagawa ang paglulunsad ng programa sa Don Leopoldo Sison Convention Center sa Alaminos City, kung saan tampok ang iba’t ibang frontline services tulad ng aplikasyon para sa tree cutting permit, free patent, chainsaw registration, wildlife registration, environmental compliance certificate (ECC), certificate of non-coverage (CNC), wastewater discharge permit, at exploration permit, bukod sa iba pa.

Ayon sa DENR Ilocos Region, ang naturang inisyatiba ay bahagi ng layunin nitong dalhin ang serbisyo direkta sa mga komunidad upang mabawasan ang gastos, mapabilis ang proseso, at mapalapit sa mamamayan ang mga transaksyon.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan ng Alaminos City sa patuloy na pakikipagtulungan ng DENR, na anila ay nakatutulong sa pagpapatibay ng mga programang pangkalikasan sa lungsod.

Inaasahan na ipagpapatuloy ang “Permitting on Wheels” bilang regular na aktibidad upang mas marami pang mamamayan sa rehiyon ang makinabang sa mga serbisyong pangkapaligiran ng ahensya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments