Nasamsam ng mga awtoridad ang iba’t ibang digital devices sa isinagawang operasyon ng Dagupan City Police Office (DCPO) kaugnay ng kasong paglabag sa Anti-Bomb Joke Law sa Sta. Barbara, Pangasinan.
Ayon sa DCPO, matagumpay na naipatupad ng mga operatiba ang Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) sa Barangay Sapang, Sta. Barbara.
Ang isinilbing WSSECD ay laban sa isang 33 anyos na babaeng janitress na residente ng nasabing lugar.
Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke/Threat Law kaugnay ng Section 6 ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sa operasyon, nakumpiska ng mga awtoridad ang 17 assorted cellular phones, dalawang tablet, isang WiFi router, isang WiFi power connector o charger, dalawang memory card, at isang SIM card.
Lumabas sa imbestigasyon na may kaugnayan ang kaso sa isang bomb threat na nai-post noong Agosto 12, 2025 bandang alas-9:30 ng gabi gamit ang “My Day” at page feature ng Facebook account na gumagamit ng pangalang “Jerrie Mandapat.” Target umano ng naturang banta ang isa sa kilalang unibersidad sa Dagupan City na nagdulot ng matinding takot, pangamba, at pagkaantala sa mga estudyante, guro, at kawani ng paaralan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Police Station 1 ng Dagupan CPO ang mga nakumpiskang digital evidence at nakatakdang isumite sa RACU 1 para sa digital forensic examination. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








