Arestado ang isang 54-anyos na construction worker matapos makuhanan ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Rosario, La Union.
Kinilala ang suspek bilang isang lalaki at residente ng nasabing bayan. Ayon sa ulat, nagsagawa ng operasyon mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali ang mga operatiba ng Rosario Municipal Police Station (MPS) bilang lead unit, katuwang ang La Union Police Intelligence Unit (LUPIU) at La Union Police Drug Enforcement Unit (LUPDEU), sa koordinasyon ng PDEA La Union.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto ng suspek at pagkakasamsam ng tinatayang 0.33 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na umaabot sa Php2,244.00. Ang ilegal na droga ay nakalagay sa dalawang heat-sealed transparent plastic sachet.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang isang tunay na Php500 bill at isang piraso ng boodle money na may kaparehong serial number bilang bahagi ng non-drug evidence.
Isinagawa naman sa lugar ng operasyon ang inventory at pagmamarka ng mga nakuhang ebidensya sa harap ng mga mandatory witnesses at ng suspek, alinsunod sa itinakda ng batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











